Ang Dapat Mabatid ng mga Kababayan
ITONG Agham na pinamamhalaan noong unang panahon ng ating
tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga
dayuhan, ay naisabuhay sa lubos na kapayakan at kasaganahan. Napagaan niya ang
mga gawain at laung-lalo na ang pamumuhay, sila ay magkatambal at kinakailangan
ng mga lipunan, malabis ang pagyabong ng
lahat ng pinagkakakitaan, kayat dahil dito’y mayaman ang ingat-yaman ng lahat.
Lalaki’t matanda at pati mga babae ay marunong gumawa at magpa-iral ng talagang
kasipagan nating mga Filipino.
Dumating ang mga dayuhan at dumulog na nakikipagkaibigan. Sa
mabuti nilang hikayat na diumano, tayo’y aakayin sa lalong kagalingan, at
lalong imulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsipamahala ay nangyaring
nalumuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man, sila’y manggagamit
sa labis na ingat-yaman ng mga Filipino na pinangalagaan at pinapagtibay ang
kanilang pagkukunan sa pamamagitan ng isang pagtitipid na kukumuha ng sapat na
pangangailangan sa kani-kanilang mga bayan, at yao’y pinakaingata’t
prinotektahan nilang lahat, tanda ng tunay na pagtatapat na hindi magtataksil
sa pinagkayarian. Ito’y siyang tinatawag na pagmamahal ng tao at mamamayan na
pinakakinatawan ng bayan sa Pilipinas.
Buhat nang ito’y mangyari ay bumibilang na ngayon sa tatlong
dantaong mahigit na ang agham ni bayan ay ating binubuhay sa lubos na
kasaganaan; ang pinagtatamasa at binubusog , kahit abutin natin ang kasalatan at
kadayukdukan. Ginugugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng buhay sa pagtatanggol sa bayan; kinakahamok natin
sampu ng tunay na mga kababayan na ayaw pumayag na sa kanila ay pasakop, at
gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Intsik at Olandes na nagbalak na umagaw
sa kanila nitong bansa.
Ngayon, sa lahat ng ito, ano ang mga ginawa nating
paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang
nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahilan ng ating paggugugol? Wala
kundi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala. At ang mga pagtupad sa
kanilang ipinangakong tayo ay lalong gigisingin sa kagalingan? Bagkus tayo’y
binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinara ang mahal at
magandang ugali ng ating Bayan. Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng
kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan.
At kung tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap,
ang nagiging kasagutan ay ang tayo’y lokohi’t paikutin sa piling ng ating
minamahal na mga anak, asawa at
matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay
itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng
malahayop na kabangisan.
Ngayon, wala nan maituturing na kasarinlan sa ating
pamamayanan. Ngayon, lagi nang tinatawag ang ating bansa ng manggagaya na lipunan
at bayan, estado at kapuluan ng moderno na kultura, tradisyo’t estilo ng mga
bansang sumakop ng mga isla na Pilipinas.
Ngayon, tayo’y malulunod na sa magbabahang luha ng Ina sa
binabato na kritiko ng iba, sa pamamaliit ng iba na pinalawig ng kalupitan, na
ang bawat patak ay katulad ng isang kumukukolong tingga na sumasalang sa
mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam. Ngayon, lalo’t lalo tayong
nabibilibiran ng ating tanikalang nakakalait sa bawat mamamayang may
iniingatang dangal.
Ano ang nararapat nating gawin?
Ang araw ng katwiran na sumisikat sa Silangan ay malinaw na
itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating
tunguhin. Ang liwanag niya’y tanglaw sa ating mga mata upang makita natin ang
mga kukong nag-akma ng kalupitang alay sa atin ng mga ganid na asal.
Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maantay kundi
lalo’t lalong kahirapan, lalo’t lalong kataksilan, lalo’t lalong kaalipustahan,
at lalo’t lalong kaalipinan.
Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon
sa pag-asa sa dayuhang simpatya na hindi darating at hindi mangyayari.
Itinuturo ng katwiran na tayo’y umasa sa ating sarili at
huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan.
Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loob,
magkaisang-isip at akala, at tayo’y maglakas na maihanap ng lunas ang
naghaharing panggagamit sa ating Bayan.
Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng
katapangan.
Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling
pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan.
Ngayon, panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga
mahal at dakilang aral na magwawasak sa marahasang pang-aalipusta na bumubulag sa
ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Filipino ang pinagmulan
ng pagkasirang identidad. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat hakbang
natin ay lumalaban tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa
atin ay inuumang ng mga kaaway.
Kaya, O mga Kababayan! Ating ilabas ang naitatago na lakas,
at kusang igugol sa kagalingan ang ating
lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa minimithing kaginhawaan ng
baying tinubuan.